Ang Patuloy na Paglaban sa Karahasan sa Kababaihan at Tiranya sa Mamamayan

“Bread and Roses”

Ang Kuwento sa Likod ng Marso 8

This slideshow requires JavaScript.

Ngayong ika-8 ng Marso, nagpupugay tayo sa magigiting na kababaihang lumikha ng makabuluhang pagbabago sa katayuan ng babae sa lipunan.  Ginugunita natin ang mahigit daantaon ng makulay, madugo at puspos ng mapanlabang diwang karanasan ng kanilang sama-samang pagkilos upang ihakbang pasulong ang kagalingan ng kababaihan at ng masang anakpawis.

 

Ang karapatan sa pagboto ng kababaihan, pagpapababa sa oras ng paggawa (naging 8 oras mula sa dating 12 oras), pagtataas ng sahod, pagtiyak sa ligtas at makataong kondisyon sa paggawa, ay ilan lamang sa ipinakipaglaban ng daan-daan libong kababaihang manggagawa.

 

Samantala, sa gitna ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo, ramdam natin ang patuloy na pagdausdos ng katayuan ng kababaihan.  Unti-unting binabawi ang mga karapatang pinagbuwisan ng buhay ng ating mga kabaro.

 

Sa diwa ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ating ipagtanggol ang mga napagtagumpayan na.  Ilagay sa unahan ang usaping kabuhayan, pagkalinga, pagmamahal, paggalang at dangal para sa kababaihan.

 

Ang Diwa ng ‘Bread and Roses Strike’

Ang ‘Bread and Roses Strike’ noong 1912 sa Lawrence (Massachusetts) sa Estados Unidos ang isa sa mahahalagang pagkilos sa buong kasaysayan ng kilusang paggawa.  Inilunsad ng 23,000 mangagawang kababaihan ang welga sa textile-mill factories bilang pagtutol sa pagtataas ng kota at pagpapababa sa sahod ng kababaihan at batang manggagawa.  Tumagal ito ng dalawang linggo.  Marami ang namatay nuong nilusob ito ng National Guard at private and city police.  Nagtagumpay ang welga.  Nagkamit ng dagdag na sahod ang mga manggagawa ng textile mills.

 

Naging malaganap ang pakikibaka ng kababaihang manggagawa sa ikalawang bahagi ng 1800s hanggang mga unang dekada ng 1900s.  Hindi lamang usaping pangkababaihan (gender issues) ang kinasangkutan nila.  Nasa ubod sila ng buong kilusang paggawa, kilusan laban sa gyera at para sa kapayapaan, pantay na karapatan sa kababaihan sa paggu-gobyerno at pulitika, karapatan sa  trabaho, pagtutol sa racial discrimination, at iba pang mahahalagang usaping panlipunan.  Binasag ng mga mapangahas na pagkilos ang larawan ng kababaihang kimi, pambahay at mahina.

International Women’s Day:  Tradisyon ng Pakikibaka at Pakikilahok ng Kababaihan

Taong 1910, iminungkahi ni Clara Zetkin, isang sosyalistang Aleman (German) sa International Conference of Working Women ang pagtatakda ng International Women’s Day.  Tinanggap at pinagpasyahan ito ng mahigit 100 lider na kumakatawan sa 17 unyon at organisasyon ng kababaihan.  Ito ay pagkilala sa mahalagang ambag ng kababaihan sa kilusang paggawa at sa pagsusulong ng karapatan sa kabuhayan, karapatang pulitikal ng kababaihan at kagalingan ng buong lipunan.

Simula nuon, taun-taon nang ipinagdiwang ang araw ng kababaihan sa iba’t ibang  bansa.  Pinagkaisahang itakda ito sa ika – 8 ng Marso   bilang pagkilala at paggunita sa malawakang protesta ng kababaihang Ruso (Russian) nuong 1917 laban sa mga pinsala ng gyera.

 Nuon at Ngayon, Buhay ang Mapanlabang Diwa ng Kababaihang Pilipino

Hindi rin matatawaran ang ipinakitang tapang at tradisyon ng paglaban ng ating kababaihan.  Tampok sa ating kasaysayan ang kagitingan ng mga Gabriela Silang ng mga naunang pag-aalsa laban sa Kastila, Tandang Sora at Gregoria de Jesus ng KKK, Felipa Culala – isang dakilang Kumander ng Hukbalahap.  Nagbuwis ng buhay sa panahon ng Marcos dictatorship at Martial Law sina Liliosa Hilao, Lorena Barros at marami pang iba sa kanilang panahon.

 

Saksi ang Kaigorotan at buong bayan sa paglahok ng magigiting na kababaihang Igorot sa mapangahas na pagtutol laban sa Chico River Dam,  Cellophil project at mga minahan na tangkang sumira sa kalakhan ng mga probinsiya ng Cordillera nuong unang bahagi ng 1980s.

 

Pinagbuwisan ng buhay ng mga karaniwang nanay at lider-kababaihan ng kasalukuyang panahon, ang paggigiit sa mga batayang hinaing para sa pagkain, trabaho, pabahay, lupang masasaka, edukasyon sa kabataan, karapatan sa pag-oorganisa at marami pang iba.

 

Higit na lumaki ang bilang ng kababaihang kalahok ngayon sa mga gawaing pangkabuhayan.  Lumaki ang kanilang kontribusyon sa yaman ng bansa.         Walang sawa nilang ginagampanan ang pag-aaruga sa mga bagong supling ng lipunan.

 

Gayunpaman, patuloy silang dumaranas ng patung-patong na kaapihan.  Biktima ng lahat ng klase ng karahasan – sa tahanan, sa pagawaan, sa simbahan, sa eskwelahan, sa lansangan.  Karahasang dulot ng patriarkiya.  Karahasang dulot at pinapayagan ng estado.  Patuloy silang dumaranas ng diskriminasyon.

 

Sila ang sumasalo sa palo ng pandaigdigang krisis.  Sila ang nasasadlak sa pinakamahihirap na kalagayan sa paggawa… tumatanggap ng pinakamababang sahod… natutulak sa mga mapanganib na hanapbuhay.

 

Upang itaguyod ang pamilya, ilang milyong ina ang napipilitang mangibang-bayan?  Ilang kababaihan ang nasasadlak sa prostitusyon at anti-sosyal na gawain?  Ilang ina ang araw-araw na saksi sa matinding kagutuman at kahirapan?

 

Sa paggunita sa International Women’s Day tanggapin natin ang tungkulin ng pagpupuspos ng laban ng kababaihan.  Panatiliin nating maalab ang diwa ng paglaban.

 

Hindi kayang patahimikin ng dahas ng kapangyarihan ang paglahok at pagtutol ng kababaihan ng maralitang komunidad laban sa demolisyon, ng mga guro para sa pagtataas ng sahod at kagalingang pangkabuhayan, ng maralitang magbubukid laban sa importasyon sa agrikultura at karapatan sa lupang masasaka, ng mga mangingisda laban sa illegal fishing, ng manggagawang kababaihan sa export processing zones para sa pag-uunyon, ng katutubong mamamayan laban sa malalaking minahan, ng mga vendors, construction workers at iba pang mala-manggagawa para sa kabuhayan, ng mga kabataang – estudyante para sa libreng edukasyon at iba pang usapin ng bayan.

 

Kabiagan ken Dayaw!  Pagkain at Trabaho at Batayang Serbisyo, Ipaglaban!  Igiit ang pantay na karapatan at oportunidad! 

 

Kamtin ang Kasarinlang Pangkabuhayan, Paggalang at Dangal para sa Kababaihan!

 

Pawiin ang lahat ng tipo ng karahasan.  Tutulan ang tiranya sa mamamayan.

Advertisements